Simula Nobyembre 14, matutunghayan si Sarah Lahbati sa Afternoon Prime block ng GMA-7 sa kanyang unang starring role bilang Kara, isang dalagang nagiging palaka kapag nababasa ng tubig ang paa sa gabi at bumabalik sa pagiging tao pagsapit ng umaga.
Sa kabila ng kanyang sumpa, mapapaibig ni Kara ang dalawang lalaking ginagagampanan ng mala-prinsipeng Kapuso actors na sina TJ Trinidad at JC Tiuseco. Si Carl (TJ) ay ang unang lalaking makikita at iibigin ni Kara samantalang si Roco (JC) ay isang small-time crook na martir na iibig sa dalaga.
Ang kwento ng "Kokak" ay nagsisimula sa pag-iibigan ng mga magulang ni Kara na sina Renato (Gary Estrada) at Angela (Jessa Zaragoza). Bagama't magkakaanak na ang dalawa, hindi pa rin matanggap ng ex-girlfriend ni Renato na si Vicky (Angelika Dela Cruz) na iba na ang mahal ng lalaki kung kaya nagpakamatay ito.
Labis na ikinalungkot ni Veronica (Deborah Sun) at Carlito, ina at kapatid ni Vicky, ang pagkamatay ng dalaga. Dahil dito, nagdesisyon si Veronica na iganti ang kanyang anak. May lahing mangkukulam, isinumpa ni Veronica si Renato upang mawala ito sa katinuan. Isinumpa din niya ang buntis na si Angela at iniwan ito sa isang sapang puno ng mga palaka.
Matapos ang insidente, hindi na nakita pa ni Angela si Renato at inisip niyang iniwan siya nito. Itinuloy pa rin niya ang kanyang pagbubuntis sa tulong ng kanyang Tya Berta (Ms. CaridadSanchez).
Hindi nagtagal, nagsilang ng isang babaeng sanggol si Angela at pinangalanan niya itong Kara. Normal ang bata hanggang sa paliguan niya ito at bigla itong naging palaka! Nang malaman ng barangay ang tungkol sa sanggol, nagdesisyon si Angela at Tya Berta na manirahan na lamang sa isang tagong gubat.
Lalaki si Kara na walang nakikitang tao liban sa kanyang ina at Tya Berta. Hindi rin niya alam ang tungkol sa mga lalaki. Pinagbabawalan siya ni Angela na lumayo sa gubat dahil may mga impakto at maligno raw sa labas nito.
Bagama't kuntento sa pagmamahal ng ina, nararamdaman ni Kara na may kulang sa kanyang buhay. Minsan, maglalakas-loob si Kara na pumunta sa bukana ng gubat at matatagpuan niya ang sugatang si Carl, ang unang lalaking kanyang makikita. Kahit natatakot siya, lalapitan niya si Carl upang gamutin ang sugat nito. Samantala, akala naman ni Carl ay isang diyosa ang tumutulong sa kanya.
Matapos tulungan si Carl, uuwing masaya si Kara dahil sa kanyang nadiskubre. Nahulog agad ang kanyang loob sa binata at gusto niya itong makitang muli. Kaya lamang, nang balikan niya ito, mga lalaking taga-bayan ang makikita ni Kara at mahahalina ang mga ito sa kanyang ganda. Hahabulin siya ng mga ito hanggang sa mabasa ang kanyang mga paa at magpalit-anyo siya bilang isang palaka.
Matutunton ng mga lalaki ang bahay nina Kara sa kagubatan at susunugin nila ito. Makakatakas naman sina Angela, Tya Berta at Kara ngunit magkakahiwalay sila at mapapadpad si Kara sa Maynila. Doon, magiging kaibigan niya ang magkapatid na Roco at Rafa (Frencheska Farr).
Kakayanin ba ni Kara ang pamumuhay sa siyudad? Makikita pa ba niya ang kanyang ina? Paano kung muling magtapo ang landas nila ni Carl? Matatanggap kaya siya ng binata gayong ang kanyang mga magulang ang dahilan ng pagkamatay ng kapatid nitong si Vicky?
Samahan si Kara sa paglaban sa kanyang sumpa at sa mga multo ng nakaraan ng kanyang mga magulang. Tunghayan din ang naiibang ganda na nagmumula sa kanyang matapang na puso.
Sa direksyon ni Ricky Davao, ang "Kokak" ay magsisimula sa Nobyembre 14 pagkatapos ngEat Bulaga sa GMA-7 Afternoon Prime. Ito ang Drama.
Mapapanood din ito sa US at Canada, Middle East at Asia Pacific simula Nobyembre 16 sa GMA Pinoy TV.
Source: http://www.igma.tv/

No comments:
Post a Comment